Hindi baryang pangsugal kundi mga rehas sa kulungan ang hinihimas ngayon ng tatlong kalalakihan na hinuli sa paglalaro ng cara y cruz kamakalawa ng gabi sa Port Area, Manila.

Kinilala ni Police Chief Inspector Antonio Naag ng Manila Police District-Police Station 5 (MPD-PS 5) ang mga nahuling suspek na sina Enrico Velarde Tan, 21, Bryan Mallo Esto, 28, pawang taga-12th St., Port Area, Maynila, at Roel Rotamola Torla, 36, na taga-21st St., Port Area, Maynila.

Nabatid na dakong alas-8:30 ng gabi habang nagpa-patrol ang mga pulis ng Baseco Police Community Precinct nang maaktuhan ang mga suspek na nagla­laro ng cara y cruz.

Narekober sa mga suspek ang tatlong pisong pamato, tatlong tig-P100, dalawang tig-P20, at P21 na tigpipiso.

Nasa kustodiya nga­yon ng MPD-PS 5 ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa P.D. 1602 (Cara Y Cruz/Illegal Gambling). (Lyrmyr Roxas)