Arestado ang 20 drug personalities na kinabibilangan ng tatlong ­bebot sa isinagawang drug operations sa lungsod ng Caloocan, Navotas at Valenzuela.

Sa report kay Northern Police District Director P/Chief Supt. Rolando Anduyan, alas-11:30 ng gabi, nakatangap ng tawag si Punong Barangay Dwight Mance ng Bara­ngay 134 na may la­laking nagwawala sa Tirad Pass St., Caloocan City.

Agad namang na­dampot ang nagwawalang si Alvin Potanio, 29-anyos, kung saan nadiskubre ng mga barangay official na may nagpa-pot session sa lugar na ikinahuli nina Ranis Mark Anthony, 32; Rachell Ann Ng, 30; Christopher Lagartera, 38; Dennis Chiong, 41 at Hazel Protacio.

Pasado ala-una ng madaling-araw, huli naman sa buy-bust operation nina P/Chief Inspector Rengie Demos, head ng Station Drug Enforcement Unit sina Michael Poneyo, 42-anyos; Michael Sarmiento, 35; Roderick Reyes, 42; Rogelio Reyes, 45; at Michael Sildo, 38, ng Caloocan City. Nasamsam sa kanila ang tatlong plastic sachet ng shabu.

Sa Market 3, Fish Port, Barangay NBBN, Navotas City, huli sina Benjamin Aldobe, 37-anyos; Ruel Nortea, 37; Juan Estadillo, 23; Ruby Albetina, 48; Maricar Genesis, 22; Mario Salvador, 21 at Crisanto Fernandez, 34.

Sa Barangay Parada, Valenzuela City naman dinampot si Zandir Malbago, 35, at nakuhanan din ng droga.