3 backhoe, bulldozer sinilaban ng NPA

Sinunog ng pinaniniwalaang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army ang tatlong heavy equipment na ginagamit sa dam project sa Infanta, Quezon province kamakalawa nang umaga.

Sa report na natanggap ng Quezon PNP mula sa mga barangay official, tatlong backhoe at isang bulldozer na ginagamit sa paggawa ng kalsada na patungo sa Kaliwa dam project sa Sityo Queborosa, Brgy. Magsaysay ang sinindihan ng nasa 15 armadong kala­lakihan dakong alas-6:30 nang umaga.

Ang nasabing mga equipment ay pag-aari ng Northern Builders Corporation.

Ang multi million Kaliwa dam project sa may bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre sakop ng Quezon at Rizal na siyang magsusuplay ng tubig sa Metro Manila ay maigting na tinututulan ng mga environmentalist group at ng mga indigenous people na naninirahan dahil umano sa magiging epekto nito sa kabuhayan ng mga residente doon at sa kapaligiran.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit ope­ration ang mga miyembro ng Philippine Army Southern Luzon Command at PNP sa mga tumakas na mga rebelde.