Ipinagmalaki ni Senador Sonny Angara ang pagkakalusot sa Senado ng kanyang tatlong panukalang batas para sa kapakanan ng mga mahihirap at matatanda.

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Magna Carta for the Poor, pagtatatag ng National Commission of Senior Citizens at ‘Gold Bill’ o ang panukala na ililibre sa income at excise tax ang pagbebenta ng ginto ng mga small-scale miner.

Ayon kay Angara, isa sa mga may-akda ng Senate Bill No. 2121 o Magna Carta for the Poor, layon ng panukala na ia­ngat ang buhay ng mga mahihirap na Pili­pino sa pamamagitan ng pagpapa­lakas ng anti-poverty program at iba pang socioeconomic development strategy.

Ginagarantiyahan sa panukala ang karapatan ng mahihirap para sa sapat na pagkain, disenteng trabaho, dekalidad na edukasyon, sapat na pabahay at pinakamataas na standard ng kalusugan.

Isa rin si Angara sa may-akda ng pa­nukala para sa pagbuo ng National Commission of Senior Citizens na layuning magkaroon ng tanggapan na tututok sa pangangailangan ng mga senior citizen.

Layon naman ng Senate Bill No. 2121 na pataasin ang gross internatio­nal reserve sa pamamagitan ng pagbibigay ng tax exemption sa mga small-scale miner na magbebenta ng ginto sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

“We thank our colleagues in the Se­nate for giving importance to our measures that will surely benefit the marginalized and underprivileged sectors of our society—the poor, small-scale mi­ners and our beloved senior citizens,” sabi ni Angara.