3 bumulagta sa drug-bust sa Maynila

Nasawi ang ­tatlo katao sa isinagawang drug buy-bust operation ng Manila Police District (MPD) sa lungsod ng Maynila kamakalawa.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Joseph Kabig­ting ng Manila Police District-Homicide ­Section, kabilang sa mga nasa­wi ang mga biktimang sina Arnel at Arnold Pangilinan, nasa hustong edad, residente ng No. 639 Felina Ext. Sampaloc, Maynila; at Fernando Taleon, alyas ‘Enan’, 46, taga 278-A Sta. Teresita St. Sampaloc, Maynila.

Nabatid na pinagbabato umano ng mga biktima ang mga pulis na humuli sa pusher na si Ariel Dulay sa isang buy-bust operation kung saan walo pang kalalakihan ang nakasamang inaresto dakong alas-4:15 ng hapon sa nabanggit na tirahan ng magkapatid na Pangilinan.

Nagpanggap uma­nong poseur buyer si SPO1 Marian Esmas at pagkaabot ng dalawang tig-P500 kay Dulay ay dinakma ito kasama ang walo pang kalalakihan.

Magsasagawa na uma­no ng imbentaryo ang mga pulis na umaresto nang paulanan ng bato ng tatlong biktima na nangga­ling sa ikalawang palapag ng bahay at paputukan ang mga pulis kaya gumanti.