3 buwan fishing ban sa galunggong kinasa ng BFAR

Pinaghahandaan na ng B­ureau of Fisheries and A­quatic Resources (BFAR) ang mga gagawing hakbang upang matulungan ang mga mangingisdang maaapektuhan ng pansamantalang pagbabawal ng panghuhuli ng galunggong sa Palawan.

Ito na ang ika-limang taon ng pagpapatupad ng closed season sa pangingisda ng galunggong sa nasabing lalawigan na magsisimula sa Nobyembre 1, 2019 at magtatapos sa Enero 31, 2020.

Dahil dito, pinulong na ng BFAR ang samahan ng mga mangingisda sa North Palawan.

Kabilang sa kanilang mga tinalakay ang pagkakaloob ng tulong ng pamahalaan kung saan bibigyan ng pansamantalang kabuhayan ang mga ma-ngingisdang mawawalan ng hanapbuhay sa loob ng tatlong buwan.

Ayon kay BFAR Mimaropa Assistant Regional Director Roberto Abrera, pinag-aaralan na nila ang mga alternatibong pagkakakitaan ng mga mangingisdang benepisyaryo ng programa ng iba’t ibang ahensiya ng national government.

Aniya, kabilang sa popondohan ang Kabuhayan Program ng Department of Labor and Employment at Department of Social Welfare and Development, gayundin ang mga pagsasanay at libreng seminar ng Department of Trade and Industry, at programang pag-asenso sa ilalim ng BFAR at Department of Agriculture.

Bukod sa pansamantalang hanapbuhay ng mga mangingisda, pinaghahandaan din ng pamahalaan ang oportunidad upang magkaroon ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan ang mga miyembro ng pamilya ng mga ito panahon man ng closed season o hindi sa panghuhuli ng galunggong. (Riz Dominguez)