Sugatan ang tatlong katao nang tamaan ng bato sa ulo na ipinukol ng sinasabing isang lasenggo habang naglalakad sa Trece Martires City, Cavite.
Ginagamot ngayon sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang mga sugatang sina Leoncio Moling, 64-anyos; Noel Biñas, 46, at Marjun Barbarona, 18, pawang taga-Cavite.
Arestado naman ang suspek na nakilalang si Roger Espartiro, 21-anyos, binata, stay-in sa isang construction site sa Brgy. Hugo, Trece Martires City.
Sa ulat ni SPO1 Richard Chavez, ng Trece Martires City Police Station, alas-8:30 kamakalawa ng umaga nang naganap ang insidente sa loob ng Golden Horizon Subd., Brgy. Hugo, Trece Martires City, Cavite.
Nabatid na naglalakad lamang sina Moling at Biñas habang sakay naman ng motorsiklo si Barbarona sa loob ng nasabing subdibisyon nang walang sabi-sabing pagbabatuhin sila ni Espartiro na umano’y lango sa alak.
Nabatid na sa ulo tinamaan sina Moling at Biñas at sa katawan naman si Barbarona kaya kinailangang isugod sila sa ospital.
Kasong frustrated murder at malicious mischief ang isinampang kaso laban sa suspek. (Gene Adsuara)