Arestado ang tatlong tulak ng ilegal na droga sa isang buy-bust operation sa Brgy. 30, Calum­pang, Cavite City kahapon.

Hindi na nakapalag ang pangunahing suspek na si Arnold Conte alyas ‘Pao-pao’, 40-anyos, matapos makabili ng halagang P1,000 ng shabu ang poseur buyer at kasamang nalambat ang dalawang iba pa na sina RC Boy Veradel, 19-anyos at Wilmar Conte, 20-anyos.

Ayon sa ulat, pasado ala-una ng madaling-araw nang ilatag ang operasyon matapos makatanggap ng tip hinggil sa talamak na bentahan ng droga sa nasabing lugar.

Bukod sa nabiling shabu ay nakuha rin ang 19 plastic sachet ng shabu na may market value na higit sa P171,000 sa mga suspek na may kasong paglabag sa Republic Act 9165.