Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI)-Environmental Crime Division ang 30 katao, kabilang ang tatlong Chinese national at isang barangay captain dahil sa aktong illegal quarrying sa Porac, Pampanga.

Ipinisinta ng awtoridad ang mga naaresto na sina Leong Ask, 50-anyos; Yang Chuan Lee, 36; at Mou Ke, pawang mga operator ng mga heavy equipment na ginagamit sa iligal na mineral operations.

Kalaboso din sina Ryan Clarete, 37-anyos, barangay captain ng Brgy. Manuali, Porac, at tumatayong ma­nager ng sa isa sa dalawang operator sa iligal na aktibidad, at Anson Tanglao, may-ari ng TAG Mineral Resources Inc. na operator din ng illegal quarrying sa lugar.

Sa taya ng NBI, umabot na sa P440 milyon ang kinikita ng dalawang operator sa kanilang iligal na operasyon. Nabatid din na may limang hektarya na ang sakop ng operasyon ng dalawang operator.

Sinampahan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 7942 o Mining Act of 1995 at RA 8371 o Indigenous People’s Rights Act of 1997.