Tatlong Chinese national ang naaresto sa entrapment operation matapos dukutin, ikulong sa loob ng tatlong araw at ipatubos nang mahigit P400,000 ang isa nilang kababayan sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Kinilala sa isinumiteng report ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario ang tatlong suspek na sina Wana Ping, 46-anyos; Yuan Jun, 47; at He Ping, 45, pansamantalang nanunuluyan sa City of Dreams Hotel and Casino sa Parañaque City.
Nabatid na bandang alas-kuwatro ng madaling-araw noong Agosto 19 nang dukutin umano ng mga suspek ang kababayang si Chao Yu, 28-anyos, na naninirahan sa Laureano Di Trevi Tower 3 sa Don Chino Roces Avenue, Brgy. Pio del Pilar, Makati.
Tatlong araw na ikinulong ang biktima hanggang sa tumawag ito sa cellphone ng kanyang live-in partner at sinabihan ito na padalhan siya ng pera para makalaya mula sa mga dumukot sa kanya.
Nagbigay naman ng halagang P480,000 ang pamilya ng biktima sa mga suspek sa pamamagitan ng money transfer. Pero hindi pa nasiyahan ang mga suspek sa unang hiningi nilang halaga at humingi pa ng karagdagang P300,000.
Dito na dumulog sa Makati City Police ang kapatid ng live-in partner ng biktima at ini-report ang insidente.
Ikinasa ng mga pulis ang isang entrapment operation at nabitag ang tatlong suspek na nagresulta sa pagkakaligtas din sa biktima.
Nabatid na modus na umano ng mga suspek na targetin ang kanilang mga kababayan na pagkatapos dukutin ay ipinatutubos sa pamilya.