3 dating rebelde dinukot ng NPA

Dinukot ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang mag-aama na dati nilang kasapi at nagbalik loob sa gobyerno sa Barangay Canvais sa bayan ng Motiong, Samar.

Sa ulat, kinilala ang mga dinukot na sina Cosme Cabangunay, mga anak niyang si Jevie at Jason. Nangyari ang insidente alas-4:30 Miyerkoles ng madaling-araw.

Nabatid na ang tatlo ay dating miyembro ng NPA pero nang sumuko sa pamahalaan ay nagtrabaho na bilang mga miyembro ng Motiong Peacebuilders, isang organisasyon ng mga dating rebelde para sa peace and development.

Pinasok diumano ng limang kalalakihan na nakasuot ng bonnet at armado ng mahahabang kalibre ng baril ang bahay ng mga biktima at sapilitang tinangay ang mga ito.

Dahil dito, nananawagan ang mga kaanak ng mga biktima gayundin ang komunidad na sana ay palayain na ang mga biktima ng kanilang mga dating kasamahan dahil ang gusto lang ng mga ito ay mapayapa at normal na buhay.

Nananawagan naman si Col. Camilo Ligayao, commander ng 801st Infantry Brigade ng Philippine Army, sa mga dumukot na NPA na pakawalan na nila nang walang hinihinging kondisyon ang mga biktima.

“To the CNTs, the people of Motiong demand that you release the victims unharmed. You can embrace peace with us or face the fury and condemnation of the community as the government forces will relentlessly pursue you.”, dagdag pa ng opisyal. (Edwin Balasa)