3 dayuhan gumala sa Pasay arestado

arrested-arestado-huli

Dinakip ng pulisya ang anim na katao, kabilang ang tatlong dayuhan, na tumangging pumasok sa kanilang tirahan at ipinagpatuloy ang paggala sa lansangan sa Pasay City.

Binitbit ng pulisya sa Sub-Station 10 sa Mall of Asia (MOA) ang mga Chinese nationals na sina Cheng Weina, 32, Liang Wenli, 31, lalaking Vientamese na si Dong Gia Nghia, 23, Wilfredo Coquilla, 55, Luzviminda Baran, 69, at Crisanto Mendoza, 20, matapos magmatigas sa paglabas ng kanilang tirahan.

Batay sa ulat, nagsasagawa ng Oplan Bandillo ang mga tauhan ng Sub-Station 10 ng Pasay Police sa Jose W. Diokno Blvd. kanto ng Coral Way, Brgy. 76 dakong alas-10:00 ng umaga nang mamataan ang mga nadakip na gumagala sa lansangan.

Pinagsabihan umano ng mga pulis ang mga dayuhan at tatlo pang indibiduwal na pumasok na sa kanilang tirahan dahil sa ipinaiiral na enhanced community quarantine subalit nagpatuloy pa rin ang anim sa paggala.

Dahil dito, sinita na ng mga pulis ang anim at hinanapan ng quarantine pass subalit walang maipakita ang isa man sa kanila kaya’t dinala na sila ng mga pulis sa presinto upang masampahan ng mga kaukulang kaso. (Edison Reyes)