Nabitag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) ang tatlong itinuturing na ‘high value targets’ o HVT at nakumpiska sa kanila ang umaabot sa P3.4 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa parking area sa Manila Cathedral, Intramuros, Manila, kahapon nang hapon.

Ang nadakip ay sina Mobarak Macasindil Andra, 35-anyos; Harodin Sambulawan Ampatua, 33, at Basit Sumagka Masulot, 33, pawang residente ng Baseco Compound, Tondo, ayon kay Director III Joel Plaza, Regional Director ng PDEA RO-NCR.

“Several reports were received by our operatives about the involvement of the above mentioned drug suspects in illegal drug peddling in some parts of Metro Manila,” ani Plaza.

Dahil dito ay nagkasa umano ng operasyon ang pinagsanib na pu­wersa ng PDEA RO-NCR, Northern District Office (NDO). Isan undercover PDEA agent ang tumayong buyer at isinagawa ang transaksyon sa likurang parking area ng Manila Cathedral bandang ala-1:30 nang hapon (February 4) at naaresto ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400,000 kung saan nakapiit ang mga ito sa PDEA RO-NCR. (Dolly Cabreza)