3 empleyado na nangotong sa Koreano kinastigo ni mayor

Nahaharap ngayon sa masu­sing imbestigasyon ang tatlong empleyado ng Pasay City Environmental and Natural Resour­ces Office (PCENRO) makaraang isyuhan ni Pasay City Ma­yor Imelda ‘Emi’ Calixto-Rubiano ng show cause order upang magpaliwanag hinggil sa viral video na lumabas sa social media na umano’y nangotong ng isang Korean national na naaktuhang naninigarilyo sa bahagi ng San Juan De Dios Hospital sa lungsod kamakailan.

Iniharap naman kahapon sa mga mamamahayag ang dalawa sa tatlong empleyado na sina Michael Dela Cruz, 48-anyos, Roel Dimaculangan,46, at isang nakila­lang si Noel Surigao, nasa hustong gulang at pawang empleyado ng PCENRO sa nasabing lungsod.

Ayon kay Mayor Calixto-Rubiano, pagpapaliwanagin niya ang tatlong kawani hinggil sa kumalat na viral video sa social media kung saan nakita ang ginawang pagsita ng mga ito sa isang Koreano dahil sa paglabag sa ordinansa ukol sa pagbaba­wal ng paninigarilyo sa pampublikong lugar.

Kabilang sa nakunan umano ng video ang pag-abot ng P500 sa tatlong empleyado na matapos na mag-viral ay agad na ipi­nakita ni Eng. Rene Sanchez, hepe ng PCENRO kay Mayor Emi at agad na ipinatawag ang mga sangkot sa video.

“Hinihingan ko po sila ng explanation dito sa nag-viral sa social media, dahil sinasabi na hindi naman daw sila nanghihingi, maski na hindi puwedeng ganu’n, kaya hinihingi ko sila ng paliwanag dito, kaya nag-isyu ako ng show cause order tayo kaya within 72 hours ay kailangan magpaliwanag sila dito.

Hindi po puwedeng ganito huwag kaagad na husgahan ang mga empleyado, kailangan alamin muna natin ang nangyari,” paliwanag ni Mayor Calixto-Rubiano. (Armida Rico)