3 estudyante dinakma sa pot session

Arestado sa mga operatiba ng pulisya ang tatlong menor de edad na lalaki habang nasa aktong humihithit ng pinatuyong dahon ng marijuana sa Barangay San Miguel, Taguig City, Biyernes ng hapon.

Kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Taguig City Police Station ang tatlo na edad 15 at 17-anyos, pawang estudyante at naninirahan sa Brgy. Hagonoy sa nasabing lungsod.

Sa isinumiteng report ni Police Capt. Ariel Ilagan, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, dakong alas-2:30 ng hapon nang maaktuhan ang tatlong menor de edad sa Sea Breeze Resort sa Brgy. San Miguel.

Sinabi ni Ilagan na pawang nasa drug watchlist ng barangay ang tatlong kabataan.

Aniya, nakatanggap sila ng report mula sa isang empleyado ng resort hinggil sa nagaganap na pot session kaya bumuo agad si Ilagan ng isang police team at rumesponde sa lugar kung saan inabutan nila ang tatlong menor de edad na gumagamit ng marijuana.

Narekober sa tatlo ang nasa 1.5 gramo ng pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng P180 na nakalagay sa isang plastic at isang wooden pipe na ginamit bilang improvised tooter.

Sasampahan ang tatlong menor de edad ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Armida Rico)