3 estudyanteng bagets naaktuhang bumabatak

Swak sa kulungan ang tatlong estudyante nang maaktuhang nagpa-pot session sa isang bahay sa Barangay San Pedro, Tumauini, Isabela noong Biyernes.

Ayon sa Tumauini Police Station (TPS), hindi muna pinangalanan ang tatlong estudyante na pawang mga menor-de-edad at residente ng nasabing barangay.

Sinabi ni TPS acting­ police commander Police Maj. Eugenio Mallilin, bago ang pagsalakay, nakatanggap ng tawag mula sa concerned resident sa Brgy. San Pedro ang intelligence unit ng lokal na pulis hinggil sa nagaganap na pot session sa isang abandonadong bahay.

Dito, agad na inatasan ni Mallilin ang kanyang tauhan at nang magsagawa
ng pagsalakay ay nahuli ang mga suspek na aktong humihithit ng pinaghihinalaang marijuana.

Nakumpiska sa mga bagets ang tatlong unit ng cellphone, cash, drug paraphernalia, limang transparent plastic sachet at tatlong piraso ng papel na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana. (Allan Bergonia)