3 gubernador nahaharap sa kasong paglabag sa ‘quarantine’

Nasa ‘hot water’ ngayon ang tatlong gubernador makaraang hindi umano sumunod sa ipinatutupad na alintuntunin ng national government para masawata ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Undersecretary Jonathan Malaya, spokesman ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang tatlong gubernador na pansamantalang hindi pinangalanan ay nagpatupad ng sariling ‘protocol’ na kontra sa ipinatutupad ng Pangulong Rodrigo Duterte at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Sinabi ni Malaya, naantala ang pagpasok ng mga delivery trucks na may lulang mahahalaga o ‘essential cargoes’ dahil sa istriktong ipinatutupad ng mga lokal na opisyal sa quarantine checkpoints ang kanilang sariling protocol.

Giit ni Malaya, ang mga nakatalagang police officers sa checkpoints ay hindi dapat sumunod sa utos ng mga local officials na kontra sa ipinatutupad na direktiba ng IATF at ng Pangulong Duterte. (Dolly B. Cabreza)