Nasugatan ang tatlong guwardiya ng isang kompanya sa Caloocan City makaraang pasabugan ng granada kasunod ng naganap na komprontasyon sa pagitan ng mga biktima at mga residente ng Pangarap Village dahil sa naganap na sunog sa kanilang lugar kahapon ng madaling-araw.

Nagtamo ng mga lapnos sa kanilang balat dahil sa pagsabog pero nagpapagaling na ngayon sa Dr. Jose N. Reyes Memorial Hospital ang mga biktimang sina Michael Maramag, 32-anyos; Nelson Villalobos, 53; at Ariel Tejero, 29.

Ayon sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District director Chief Supt. Rolando Anduyan, ­dakong alas-dos ng madaling-araw nang magkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng tatlong guwardiya at mga residente ng Pangarap Village sa Barangay 181, Caloocan City.

Nagkaroon kasi ng sunog at kahit naapula naman agad ito ay sinisisi ng mga residente ang insidente sa mga guwardiya. Dahil dito, tumakbo ang tatlong sikyo at nagtago sa loob ng service vehicle ng pinaglilingkuran nilang Carmel Development Inc.

Makalipas ang ilang saglit, biglang may sumabog na granada malapit sa naturang sasakyan na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong guwardiya.