3 hinarang saka nirapido ng tandem

Patay ang tatlong lalaki na magkaka-angkas sa isang motorsiklo matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem sa harap ng isang gas station sa FB Harrison, Pasay City kamakalawa ng gabi.

Kinilala mismo ng mga kaanak ang tatlong biktima na sina Jackie Flores, alyas ‘Chan Chan’ ,30-anyos; Christian Reyes, 39, alyas ‘Tao’, kapwa naninirahan sa Apelo St. Brgy. 157 Zone 16 Pasay City at si Diosdado Escamillas, 24, alyas ‘Kim’ at nakatira sa 112 Brgy. Masinsur Baloyboy Candelaria Quezon.

Sina Flores at Escamillas ay namatay noong din sa pinangyarihan ng insidente habang si Reyes ay hindi na umabot ng buhay sa Pasay City General Hospital (PCGH) sanhi ng mga tinamong hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Giovanni Arcinue ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police dakong alas-10:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng F.B Harisson St. Corner Arnaiz Avenue Brgy. 68 Zone 9 nang nasabing lungsod.

Magkaka-angkas umano ang mga biktima sa pulang Honda wave na may plakang BD-58876 nang harangin ng dalawang motorsiklo na lulan ang apat na kalalakihan at sabay na pinaulanan ng bala ang mga ito.

Nang kapwa duguang bumulagta ang tatlong biktima ay mabilis na tumakas ang mga salarin na kung saan pinaharurot ang kanilang motorsiklo palayo sa pinangyarihan ng insidente.