Hindi nagpahuli ng buhay ang tatlong umano’y holdaper sa kabila ng maayos na pagpapasuko sa mga ito ng mga awtoridad nang makipagbarilan ang mga ito na naging sanhi ng kanilang agarang pagkasawi sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Sa inisyal na report na isinumite kay QCPD Direct­or Chief / Supt. Guil­lermo Lorenzo Eleazar ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nakilala ang isa sa tatlong nasawing suspek sa pamamagitan ng Postal Identification Card na si Jonathan Lucente y Rivera, 38, ng 37-Congressional Road, Batasan Hills, ng nasabing lungsod.

Dahil hindi pa kilala ang dalawang kasama nito ay inilarawan ang isa na nasa 25-30-anyos, nasa 5’6” ang taas, slim built, naka-gray/black t-shirt at maong pants habang ang isa ay nasa 30-35-anyos, 5’5” ang taas, slim built, naka-kulay itim na t-shirt at maong pants.

Ang mga nasawing holdaper ay positibong kinilala ng biktima na pormal na ring nagreklamo sa CIDU na si Arnel Cruz y Gonzales.

Sa imbestigasyon ni PO3 Julius Cesar Balbuena, dakong alas-12:50 ng hatinggabi nang tinutukan ng baril ng mga suspek sabay deklara ng holdap sa biktima. Nang makuha ang backpack ay tumakas ang mga suspek sakay ng pamasaherong jeep.

Dumating naman ang nagpapatrolyang operatiba ng Quezon City Hall Precinct at nakahingi ng tulong ang biktima. Ngunit nang pinapasuko na ang mga suspek ay kumakasa ang mga ito hanggang sa mamatay.