Patay sa operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong kawatan na nangholdap ng isang lalaki sa Tandang Sora Av., Brgy. Culiat sa Quezon City.
Sa report na isinumite kay QCPD Director CSupt. Guillermo Eleazar, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), nakilala ang isa sa tatlong nasawing suspek na si Jonathan Lucente y Rivera, 38, resisente ng No.37 – Congressional Road, Batasan Hills.
Nasa 25-35 anyos naman ang dalawang napatay na suspek, may taas na 5’6 at 5’5, kayumanggi at parehong naka-itim na t-shirts.
Positibong kinilala ng biktima na si Arnel Cruz ang mga kawatan na nangholdap sa kanya, madaling araw ng Biyernes habang nag-aabang ito ng masasakyan sa Tandang Sora.
Nakahingi ng saklolo sa QCPD ang biktima kaya nagsagawa ng followup operation at natiyempuhan ang tatlong holdaper sa kahabaan ng UP Arboretum St., Brgy. UP Campus sa Quezon City.
Nanlaban ang mga suspek hanggang sa mapatay sila ng operatiba ng Quezon City police.