Arestado ang tatlo katao matapos mabuko sa pagbebenta ng overpriced na face masks makaraang ikasa ang entrapment operation ng Lapu-Lapu City Police Office, Biyernes ng umaga.

Nakilala ang mga suspek na sina Marife Aclao, 42-anyos, entrepreneur; Joefel Artaja, 40-anyos, sales marketing supervisor, kapwa residente ng Barangay Paknaan, Mandaue City; at Fernand Gemina, 34-anyos, assistant manager ng Barangay Yati, Liloan, Cebu.

Ikinasa ng mga tauhan ng City Intelligence Unit ng Lapu-Lapu City Police ang entrapment operation matapos magkasundo ang mga suspek at isang umaktong buyer na magkita M. L. Quezon Highway, Barangay Pajo para makabili ng 100 piraso ng KN95 masks sa halagang P25,000 na nagkakahalaga ng P250 bawat isa.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 920 piraso ng KN95 mask, na nagkakahalaga ng P255,000 at ang Toyota Vios na sasakyan ng mga suspek na naglalaman ng face masks.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Lapu-Lapu Police station at nahaharap sa kasong paglabag sa Price Act and Consumer Act. (Vick Aquino)