Isang driver ang na­matay matapos umanong atakehin sa puso habang nagmamaneho sa gitna ng kalsada habang tatlong katao na puro kabataan ang nasagasaan nito nang mawalan ng kontrol sa manibela sa Caloocan City kamaka­lawa ng hapon.

Ganap na alas-singko pasado ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Serrano Street, Barangay 105 ng nasabing lungsod.

Base sa kuha ng closed circuit television (CCTV), nakitang binabaybay ng L300 na minamaneho ni Leovino Cabangon ang nasabing daan.

Nahagip din ang tumatakbo noong batang lalaking nakilalang si Mark Jayson Vergara, 12-anyos, patungo sa gilid na tila sinundan ng nasabing sasakyan at sinalpok hanggang sa magtuluy-tuloy ito sa mga nag­lalaro ng basketball.

Nadale rin ang isa pang batang lalaking si Andrei Iligan, 13-anyos, na pumailalim pa sa sasakyan at isa pang dalagita na si Jamaine Balmaceda, 18-anyos, na pawang residente ng nasabing lugar.

Agad namang sinaklolohan ng mga residente sa lugar ang driver at mga nasagasaan niya.

Isinugod sa Manila Central University Hospital si Cabangon ngunit hindi na ito pinalad pang mabuhay at nasawi bago pa man makarating doon dahil sa heart attack.

Sa Caloocan City Me­dical Center naman isinugod ang mga nasagasaan niya na milagro namang nasa mga mabuting kalagayan na at pawang nagpapagaling na.