3 Intsik timbog sa kidnapping

kidnapping

Naaresto ng mga elemento ng Calamba City Police ang tatlong Chinese national na suspect sa kidnapping ng isang kapwa Chinese National kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Calamba City Chief of Police Supt. Sonny Celedio ang mga suspects na sina Su Sheng Fu, 27-anyos; Yu Guang Dong, 33 at Chen Wen, 22, pawang naninirahan sa Makati City.

Ayon kay Celedio, bandang alas-10:00 ng gabi, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga opisyales ng barangay sa Makiling na isang kahina-hinalang Toyota Innova na may plate number YW 4598 ang kanilang napansin na paikot-ikot sa lugar.

Nang pahintuin, nakita ng mga pulis sa loob ng sasakyan ang biktimang si Ong Jackie, 36-anyos, Head ng Finance Department ng DF Communications sa Paseo de Roxas Barangay Bel-Air, Makati City.

Nakaposas ang kamay at paa ng biktima nang ito ay masagip. Nakuha naman mula sa mga suspects ang isang kalibre 45 baril.

Sa inisyal na imbestigasyon, dinukot ng mga suspects ang biktima sa harap ng Forbes Tower Condo sa Valero St., Brgy Bel-Air, Makati City noong Sept. 29.