Tatlong kabataan ang inaresto matapos makuhanan ng 12 plastic sachet ng pinatuyong marijuana sa isang ‘Hiphop Festival’ na ginanap sa Makati City kamakalawa nang gabi.
Kinilala ni Senior Inspector Sherwin Maupay, hepe ng Police Cummunity Precinct (PCP) 1 ng Makati City Police ang tatlong naaresto na sina Joshua Espiritu, 20, taga Sitio Maria Corazon Phase 3; Ronald James Molar, 20, ng Brgy. Mambugan Sitio Kasoy II, kapwa taga Antipolo City at Bryan Gante, 21, ng Oro-B panulukan ng Zobel Roxas St. Sta Ana Manila.
Ayon kay Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, naganap ang insidente alas-sais nang gabi sa Ayala Circuit Ground Event Center, Brgy. Carmona nang nasabing lungsod.
Idinaos ang ‘Hiphop Festival’ sa naturang lugar ay namataan ng mga nakatalagang security guard ang mga suspek na may kahina-hinalang kilos.
Nang kapkapan ang mga suspek ay nakita sa mga ito ang 12 plastic sachet ng pinatuyong marijuana at improvised glass transparent tube pipe na may residue pa ng naturang droga.
Agad na dinakip ang mga ito ng mga guwardya at itinawag sa mga nakatalagang pulis at dinala sa PCP-1.
Ang tatlo ay kasalukuyan nakakulong sa nasabing himpilan ng pulisya at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of the 2002 sa Makati Prosecutor’s Office.