Tatlo kataong nasasangkot sa iligal na droga ang nadakip ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng pulisya makaraang isumbong at mahuli sa aktong bumabatak ng shabu sa Del Pilar St., Barangay Poblacion Norte, Paniqui, Tarlac kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga nadakip na sina Rafael Austria y Paragas, 49-anyos, may asawa, ng Del Pilar St.; Erickson Lingan y Ferrer, 37-anyos, ng Licor St., kapwa ng Barangay Poblacion Norte at Nino Sabado, 40-anyos, ng Fiesta Communities, San Rafael, pawang sa Tarlac na nakadetine ngayon.

Bandang alas-5:30 ng hapon nang makatanggap ng impormasyon ang DEU ng Paniqui police station hinggil sa isinasagawang pot session ng tatlong suspek sa Del Pilar St., Barangay Poblacion Norte at hindi na nakapalag ang mga suspek nang mahuli sila sa akto habang nagsa-shabu.

Nakuha sa pag-iingat ng tatlong suspek ang walong pakete ng shabu bukod pa sa drug paraphernalia habang nahaharap ngayon ang mga ito sa kasong illegal drugs. (Jun Borlongan)