3 katao muntikang mamatay sa Catanduanes mudslide

Tatlo-katao ang sugatan matapos na magkaroon ng landslide at itulak ng gumuhong lupa sa ilog ang isang mini truck sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan kahapon ng umaga sa bayan ng Viga, Catanduanes.

Kinilala ng mga biktimang sina Gerald ­Tabor, 39-anyos, drayber ng Elf truck; mga helper na sina Jesus Olat, 52-anyos, at Alvin Obosa, 39-anyos, pawang mga residente ng Brgy. San Jose ng nabanggit na bayan.

Ayon kay Sr. Insp. Ma Luisa Calubaquib, taga­pagsalita ng Bicol- Philippine National Police (PNP), naganap ang insidente dakong alas-8:15 ng umaga sa kahabaan ng national road na sakop ng Brgy. Sagrada ng bayang ito.

Napag-alaman na sakay ng Elf truck ang mga biktima at binabagtas ang nasabing daan nang biglang magkaroon ng landslide.

Nakuha namang basagin ng mga biktima ang salamin ng trak at doon sila lumabas at nila­ngoy ang ilog hanggang sa makaahon.