Bulagta ang tatlong miyembro ng hinihinalang mga holdaper na kaanib ng Sigue Sigue Commando matapos manlaban sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang anti-drug operations sa Parola Compound Binondo, Maynila kahapon.
Kinilala ang mga nasawing sina Edmond Morales, nasa edad 30-35 ; Jomar Danao Mariano, 40 at Ernesto Francisco, 45, pawang nanunuluyan sa Gate 56 Parola Compound, Binondo.
Ayon kay Chief Insp. Leandro Gutierrez, hepe ng Anti-Illegal Drug Special Operation Task Unit ng MPD-Station 11 at PSr/Insp. Edward Samonte, bandang ala-1:30 ng hapon nang magsagawa sila ng follow-up operation sa nagaganap na pot session at umano’y bentahan ng droga sa Gate 56 sa Parola at naabutan si Morales kung saan ay nagkapalitan ng putok na ikinasawi nito.
Nagpatuloy ang clearing operation ng mga tauhan ni P/Supt. Amante Daro, Station Commander sa lugar at namataan umano sina Mariano at Francisco na armado ng baril kaya naunahan din umano silang paputukan ng mga pulis.
Nabatid sa report ng pulisya na talamak ang bentahan ng droga sa lugar at umano’y kilalang notoryus na holdaper ang tatlo.
Nakarekober sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong kalibre .38 na baril, mga hinihinalang shabu na nasa P8K ang halaga at mga drug paraphernalia.