3 komunistang konektado sa gobyerno, 1 pa sumuko

Apat na mga aktibong miyembro ng rebeldeng komunista, kabilang ang dalawang nagtratrabaho sa gobyerno, ang nagbalik-loob sa pamahalaan makaraang boluntaryong sumuko sa pinagsanib na puwersa ng pulis at militar sa Nueva Ecija noong Miyerkoles.

Sa ulat ni Police Lt. Colonel Alexander Aurelio, pinuno ng Provincial Intelligence Branch ng NE Police Provincial Office, kabilang sa mga sumuko sina Alyas Ka Robert, 34, isang municipal employee, residente ng Brgy. Alalay Grande; Alyas Ka Ramon/Ka Bengson, 52, municipal driver, residente ng Brgy. San Isidro, kapwa mula sa Lupao, Nueva Ecija.

Ang dalawa ay miyembro umano ng CPP-NPA sa ilalim ng Arcadio Peralta command na kumikilos sa Nueva Ecija, Pangasinan at Aurora o KLG Caraballo.

Nauna rito, noong Martes ay napasuko sa Brgy. Malinao, Gabaldon, Nueva Ecija sina Alyas Jex/ Lei/ Mali/ Carding/ Supremo, 19-anyos, ng Brgy. 28 Caloocan City, na youth organizer umano ng Anakbayan at si alyas Jerome, 23, residente ng Brgy. Malinao, Gabaldon, na gumaganap na medic/assistant gunner ng Platoon Dos, KLG (Kumiteng Larangang Gerilya) Sierra Madre.

Naisagawa umano ang pagsuko ng apat sa tulong ng mga taga Prov’l Mobile Force Group, 303rd MC RMFB3, 3ISU, 703rd brigade at intel operatives ng Collection team 3 (COLT 3) ng 91st IB, ng Phil. Army.

Wala umanong naisukong mga armas ang 4 na rebelde, ayon kay Aurelio. (Jojo de Guzman)