Tatlong magkakamag-anak ang nasa kritikal na kondisyon matapos na pagsasaksakin at pagnakawan ng dalawang suspek sa Candelaria, Quezon.

Sa ulat ng Candelaria Police Station kinilala ang mga biktima na sina Jayson Caalam, 34; Merlinda R. Rematado, 62 at John Robert S. Caalam, 24; pare-parehong taga-Brgy. Mangilag nang nasabing bayan.

Ayon sa mga biktima, naglalakad ang mga ito sa kanilang lugar dakong alas-12:35 ng madaling-araw nang harangin sila ng dalawang suspek at tutukan ng patalim.

Ibinigay umano ng mga biktima ang isang bag na may lamang P60,000 ngunit sinaksak pa din ang mga ito ng mga kawatan saka agad na tumakas sa hindi malamang direksiyon.

Nadala sa ospital ang mga biktima at inoobserbahan pa ng mga doktor.

Ikinasa naman ng pulisya ang manhunt operation para sa mga nakatakas na suspek.