3 lalaki gumala sa Makati nahulihan baril, shabu

Malalakas pa rin ang loob ng ilang Pilipino na gumala na may dalang droga at baril kahit umiiral na ang enhanced community quarantine.

Tatlong lalaki ang inaresto ng mga awtoridad matapos mahulihan ng hinihinalang shabu at baril sa Makati City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang mga suspek na sina David Minadana 25, binata; Gerogie Navarrete, 21; at Ian Marcelo Sabado, 25, bartender, pawang nakatira sa nasabing siyudad.

Ayon sa report, dakong alas-4:50 ng hapon naaresto ng mga operatiba ng Sub-Station 9 ang tatlong suspek sa panulukan ng Target Range at Jupiter Street sa Brgy. Pembo.

Nagpapatrolya sina Corporal Jake Jacinto, Coporal Joel Farro at Patrolman Louijo Badajos nang mamataan nila ang tatlong suspek habang nakatayo sa tabi ng isang motorsiklo at nang lapitan sila ng mga pulis para ipabatid ang umiiral na enhanced community quarantine ay bigla umanong nagtakbuhan.

Hinabol sila ng mga awtoridad hanggang masakote.

Nahulihan ang suspek na si Sabado ng isang baril na caliber .22 revolver na may apat na bala at 0.75 gramo ng hinihinalang shabu habang 0.47 gramo naman kay Minadana at 0.31 gramo ang nasamsam kay Navarrete.

Kinumpiska rin ng mga pulis ang isang itim na Euro racing Mitsukoshi na may plakang BD 5124 at asul na Novou Z Yamaha 125 (8590 XH).

Binitbit ang mga suspek sa Station Investigation and Detective Management Section at isinailalim sa masusing imbestigasyon.

Hinahanda na ang mga demandang isasampa laban sa kanila kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at may dagdag pang kaso kay Sabado na nahulihan ng baril. (Armida Rico)