3 lipstick ninenok, sinilid sa bra ng bebot

Swak sa kulungan ang isang 25-anyos na Merchandizer sa isang mall nang kumupit ng 3 pirasong lipstick at itinago sa loob ng kanyang bra sa Trece Martires City, Cavite.

Kasong Qualified Theft ang isinampa laban kay Maria Divina Cano, may live-in partner ng Brgy. San Francisco Elang Gen. Trias City, Cavite dahil sa reklamo ni Julius Orgas, 34, binata, Stock Clerk Super Value Inc. ng SM Supermarket Store.

Sa ulat ni P/MSgt. Richard Chavez ng Trece Martires City Police Station, naka-duty ang suspek bilang isang Merchandizer sa Condiments section sa loob ng nasabing mall sa Trece Martires City branch pero pagsapit ng alas-12:04 kamakalawa nang hapon ay umalis ito sa kanyang puwesto at nagtungo sa beauty product section na ipinagbabawal sa kanilang trabaho.

Doo’y pasimpleng kinuha ng suspek ang tatlong pirasong lipstick at isang twissor at inilagay sa hawak niyang kahon saka nagtungo sa warehouse at inilipat ang kanyang mga kinuha sa kanyang bra.

Hindi naman ito nakaligtas sa mata ni Eugene Elera, 31, isang civilian guard kaya hinintay ang kanyang paglabas at kinapkapan ito kung saan nakuha sa loob ng kanyang bra ang kanyang ninakaw na nagkakahalaga ng P798.50. (Gene Adsuara)