3 magkakapatid, pinsan swak sa buy-bust

Magkakasamang nakakulong ngayon ang tatlong magkakapatid at isa nilang pinsan matapos maaresto sa buy-bust operation sa Navotas City Sabado nang madaling-araw.

Kinilala ni P/Lt. Eric V. Roxas, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, ang mga suspek na sina Rosalinda Ordonez, 45, kapatid nitong si Adriano Ordonez, 30, at bunso nilang si Jenica Ordonez, 23, at ang kanilang kaanak na si Jowel Fuentes, 44, mga residente ng B. Cruz St., Brgy. Tangos, Navotas.

Ayon kay Roxas, bago naaresto ang magkakapatid ay nagsagawa muna sila ng validation kaugnay sa intelligence report na nagtutulak ng shabu ang mag-anak.

Makaraang makumpirma ang ulat, ikinasa na nila ang buy-bust operation sa JB Santos St., Brgy. Tangos kasama ang ilang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bandang ala-una nang madaling-araw.

Isa sa mga tauhan ni Roxas ang nagpanggap na buyer at umiskor kay Rosalinda ng P200 halaga ng shabu.

Matapos iaabot ang droga, dito na dinampot ang magkakapatid na Ordonez kasama si Fuentes.

Nakuha pa sa kanila ang 12 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu matapos kapkapan ng mga pulis.

Nabatid na pagtitinda ng isda ang hanapbuhay ng mga Ordonez pero dahil matumal umano sanhi ng masamang lagay ng panahon ay nagtulak na lang ang mga ito ng droga.

Binitbit sa presinto ang apat at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Orlan Linde)