Tatlong kalalakihan ang nangamatay matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City, kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng umaga.
Bangkay na bumulagta sa harap ng isang junk shop sa Barangay UP Campus, dakong alas-6:10 ng umaga matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek ang biktima na si Antonio Velasco, nasa hustong gulang ng Pook Malinis, ng nasabing Barangay.
Ayon kay PO3 Jogene Hernandez, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) may hawak ng kaso, nahirapan silang matukoy kung sino ang salarin dahil wala naman nakakita sa mga suspek.
Dakong alas-12:35 ng hatinggabi ay pinagbabaril din ng mga hindi kilalang mga suspek si Paul Vincent Abado, 28, ng 85, Purok 2, Area 5, Lauren St., Barangay Old Balara, Quezon City.
Ang biktima ay positibong kinilala ng kanyang live-in partner na si Angel Refardia na kasama niya sa kuwarto ng paslangin.
Tinitingnan ng mga awtoridad kung may kinalaman sa droga ang motibo ng krimen.
Habang isa pang bangkay ng hindi kilalang lalaki na may dalawang tama ng bala sa ulo ang nadiskubre sa isang bakanteng lote sa Novaliches, Quezon City kahapon ng madaling-araw.