3 magkapitbahay huli sa tong-its

Huli ng mga nagpapatrolyang barangay official sa Indang, Cavite ang tatlong magkakapitbahay na ginawang pampatulog ang pagtotong-its.

Kasong paglabag sa PD 1602 dahil sa pagsusugal, ang kinakarap ngayon nina Feliciano Fernante, 44; Gilbert Sarmiento, 23 at Jhon Lloyd Credito, 18, pawang makakapitbahay sa Brgy Luna Lejos 2.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:40 kamakalawa ng gabi nang nagsagawa ng pagpapatrolya ang mga barangay official dahil sa ipinapatupad na curfew kaugnay ng enhanced community quarantine (ECQ) nang naispatan ang tatlo habang abala sa paglalaro ng tong-its sa balcony ng bahay ni Fernante na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Nakuha sa kanilang pag-iingat ang baraha at halagang P205 na taya.

Nabatid na hindi pa umano makatulog ang mga suspek kaya naisipan nina Sarmiento at Credito na mangapitbahay at maglaro ng tong-its sa bahay ni Fernante pero naispatan sila ng mga tanod. (Gene Adsuara)