3 mapalad na kandidato ni Digong

Bigyan ng proteksyon ang media

Mukhang nakalalamang na ang tatlong babaeng tumatakbo sa senatorial race matapos na basbasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kandidatura sa midterm elections sa Mayo 13.

Inindorso kamakailan ni Duterte sina Sen. Cynthia Villar, Taguig Rep. Pia Cayetano at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at ang walo pang kandidato sa pagka-senador.

Masusubukan pa sa darating na halalan ang asim ng endorsement ng Pangulo pero malinaw ang bentahe ng mga kandidato nito dahil sa makinarya at malawak na organisasyon ng kasalukuyang administrasyon.

Suportado rin ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ng Hugpong ng Pagbabago ang kandidatura ni Imee at ng dalawa pang senatoriables. Mukhang mahirap nang tibagin sa Magic 12 ang tatlong babaeng kandidato sa pagka-senador dahil mismong mag-amang Digong at Sara na ang backer nila.

Sa latest survey ng Pulse Asia kung saan number one si Sen. Grace Poe, limang babae ang pasok sa top 12 at masasabing lyamado sa senatorial race.

Kung magkakaganun, pito ang magi­ging kabuuang bilang ng mga babaeng senador sa pagbubukas ng 18th Congress kasama na sina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Leila de Lima na pawang mga incumbent senator.
Tuluyan ding maisusulong sa Senado ang mga panukalang batas ng mga kababaihang senador lalo na si Imee na uunahin pagtuunan ng pansin ang usapin sa mataas na presyo ng mga bilihin at pagsuporta sa mga magsasaka sa kanayunan.

Ngayon pa lang, nagpapasalamat na si Imee sa ibinigay na suporta ni Pangulong Duterte at Mayor Sara sa kanyang kandidatura.

***

Speaking of Mayor Sara, sinabi niya kahapon na sa 2021 niya ihahayag kung interesado siyang tumakbo sa pagka-presidente sa 2022 elections. Kapag nagkataon, baka 3 babae ang tumakbong presidente. Ito ay sina Vice-President Leni Robredo at Senador Grace Poe.

Itinanggi na ni VP Robredo na tatakbo sa susunod na presidential elections, habang si Poe ay nagsabing kahit nasa Senado lamang siya ay makatutulong pa rin siya sa taumbayan. Abangan na lang natin sa 2022 kung sino sa tatlo ang magbabago ng posisyon.