Kapwa duguang nakahandusay at patay na nang matagpuan ang mag-asawang matanda habang sugatan ang kanilang katulong matapos pagsasaksakin at pagpapaluin ng tubo ng hindi pa nakikilalang mga miyembro ng ‘Akyat Bahay’ na nanloob sa kanilang tahanan sa Brgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ang biktimang sina Nicolas Austria, 86, retiradong Engineer at misis nito na si Leonora, 87, retired goverment employee na residente ng No. 8 Diego Silang St., TS Cruz Subd., San Agustine, Novalichez, QC.

Nasa kritikal na kondisyon naman sa Capitol Medical Center si Editha Fernandez, 63, stay-in housemaid ng mag-asawang matanda.

Nabatid kay P/Lt. Col Rossel Cejas, hepe ng Novaliches police ng QCPD, alas-dos nang hapon (Mayo 26) nang matagpuang wala ng buhay ang mag-asawang matanda at sugatan ang kanilang katulong sa loob ng kanilang ta­hanan.

Ayon kay Ma. Liza Lising-Austria, 56, anak ng dalawang matanda, dadalawin sana niya ang kanyang mga magulang pero pagdating nito ay walang nagbubukas ng pintuan ng kanilang bahay kaya humingi ito ng tulong sa barangay para mapasok ang loob.

Laking gulat ni Liza nang makitang nakahandusay at wala nang buhay ang mga magulang na tadtad ng saksak at palo sa katawan habang ang katulong ay kritikal na dinala sa pagamutan dahil din sa tama ng mga saksak.

Sa inisyal na imbes­tigasyon ng mga tauhan ni Col. Cejas, pagnanakaw ang motibo ng krimen dahil nagkalat ang gamit sa kuwarto ng mga biktima.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang duguang kitchen knife, isang tubo na may dugo rin, isang cellpone, pulang sando at itim na short pants na may bahid din ng dugo.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga barangay official at mga residente sa lugar kung may CCTV na posibleng nakuhanan ang hindi pa nakikilalang mga suspek. (Dolly Cabreza)