Bulagta ang tatlong lalaki na umano’y pawang mga miyembro ng gun running syndidate makaraang makipagbarilan sa mga pulis matapos na isilbi ang search warrant sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas P/Chief Rolando Balasabas ang mga nasawing suspek na sina Edgar Doctolero, 45; Kim Ryan Permejo, 35 at Ernesto Gallardo, mga residente Blk. 35, Lot 26, Phase 2, Area 2, Brgy. Tumana ng nasabing lungsod.

Kuwento ni Col. Balasabas, inihain ng Northern District Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang search warrant kontra kay Doctolero na nasa drug watch list, dakong alas-10:00 nang umaga.

Pero hindi pumayag ang suspek na halughugin ng mga parak ang kanyang bahay, kaya naman pinaulanan nito ng bala ang mga parak kasama ang dalawa niyang kaibigan.

Nauwi sa palitan ng putok hanggang sa hagisan ni Permejo ng granada ang mga pulis, pero hindi ito pumutok.

Gumanti ang mga parak kaya isa-isang natumba ang mga suspek hanggang sa mapatay.

Matapos ang putukan, nasamsam ng mga awtoridad ang isang cal. 45, cal. 38 at 22 magnum kasama ang dalawang hand grenade.