3 miyembro ng Abu Sayyaf patay, 8 sundalo sugatan sa engkuwentro

Tatlong miyembro Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasawi habang walong sundalo naman ang sugatan sa panibagong engkwentrong naganap sa pagitan ng dalawang panig sa Patikul, Sulu Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ni Major Arvin Encinas, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (Wesmincom), ang mga napatay na mga miyembro ng ASG na sina Guro Khalid, Udal Muhamadar Said, at alyas Budah.

Bukod sa mga nasawi ay posibleng marami din ang sugatan sa teroristang grupo base na rin sa dami ng dugong tumagas sa pinangyarihang lugar.

Kaugnay nito, walong sundalo ang sugatan at ngayon ay pawang ginagamot na sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital.

Sa ulat, naganap ang engkwentro dakong alas-sais ng gabi sa Brgy. Latih ng nabatid na bayan.

Nagsasagawa ng combat operation ang mga tauhan ng 45th Infantry Battalion ng Philippine Army nang makasagupa ng mga ito ang hindi batid na bilang ng mga miyembro ng ASG.

Tumagal ang labanan ng mahigit sa 30 minuto hanggang sa magpulasan na ang mga terorista at iwan nila ang mga napatay na mga kasamahan.

Matatandaang noong Biyernes, Abril 17 ay 12 sundalo ang napatay habang 13 na iba pa ang nasugatan sa naganap na engkwentro laban din sa mga miyembro ng Abu Sayyaf sa sitio Bud Lubong, Barangay Danag sa Patikul, Sulu.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang hot persuit operation ng tropa ng pamahalaan sa mga tumakas na mga terorista. (Edwin Balasa)