3 nag-pot session timbog sa Pasay

Himas-rehas ngayon ang tatlong lalaki nang mahuli habang nagsagawa ng pot session sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine sa kanilang barangay makaraang inguso ng kapitbahay sa mga awtoridad sa Pasay city.

Bumabatak pa ng shabu sina Samuel Telin, Jr. 41, Warren Bukirin, 45 at Christian Paul Bombita, 24, pawang mga magkakapit-bahay sa Brgy. Maricaban nang maabutan ng mga rumespondeng opisyal ng barangay sa Blk 24, Lot 3 sa naturang lugar dakong alas-tres Huwebes ng madaling-araw.

Ayon kay P/SSgt. Jeth Morillo, imbestigador ng Pasay Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU), nakumpiska ng mga umarestong barangay tanod ng Brgy. 178 Zone 19, Maricaban sa mga suspek ang isang lighter at dalawang aluminum foil na may bahid pa ng shabu na kanilang ginagamit sa pagpa-pot session.

Nauna rito nagtungo sa barangay hall ng Brgy. 178 ang isang residente upang isumbong ang pagsasagawa ng pot session ng mga suspek sa kanilang lugar.

Isinagawa ng mga adik ang kanilang pot session sa kabila paghingi ng tulong ng opisyal ng barangay sa pulis at militar sa pagpapatupad ng umiiral na lockdown dahil sa dami ng pasaway sa kanilang barangay.

Kahapon ay iprinisinta na ng pulisya sa piskalya ng Pasay para isailalim sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahuli. (Edison reyes)