Binigyan ng pulisya ng tig-isang sako ng bigas ang tatlong katao na nakakita ng mga bloke ng cocaine na umaabot sa kabuuang halagang P16 milyon sa lalawigan ng Quezon bilang pabuya sa ginawa nilang pagsuko sa mga nasabing iligal na droga.

Ayon kay Sr. Supt. Osmundo de Guzman, hepe ng Quezon Police Provincial Office (PPO), ang pabuya ay bilang token of appreciation and gratitude ng pulisya dahil sa ginawa nilang kabutihan dahil sa pagsuko ng mga cocaine sa pulisya.

Kahapon ay kinumpirmang cocaine ang natagpuang bloke nito sa karagatan ng Mauban, Quezon noong Huwebes na nakuha ng 15-anyos na binatilyo.

Ito ang ikatlong bloke ng cocaine na nakuha sa karagatan ng Quezon matapos ang naunang dalawa natagpuan sa Perez at Mauban, Quezon.