BAGUIO CITY — Blangko pa rin ang mga awtoridad hinggil sa tunay na motibo ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa pamamaril na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng isa pa sa isang car wash sa Barangay San Luis ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/SI Blasiandew Dao-anis, Deputy Station Commander ng Baguio City Police Office Station 1 ang mga biktima na sina Roland Valdez, Rudy Pagaduan Pais, at isang hindi pa nakikila­lang lalaki na may tattoo na ‘XV Guardian L Lar Maute’ sa braso habang nagpapagaling sa hospital si Mark Angelo Chuca Calma na nahagip ng bala sa kaniyang katawan.

Ayon sa saksi, nag-iinuman umano ang kaniyang mga kasamahang car wash boys nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima.