Nakatakdang maghain ng demanda ang Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) laban sa tatlo kataong nag-post sa social media hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa forum na pinangunahan ng provincial government ng Pangasinan kahapon, sinabi ni PPPO director P/Col. Redrico Maranan na ang kakasuhan ay kinabibilangan ng dalawang babae mula sa bayan ng Lingayen at kasalukuyan pang iniimbestigahan ang pangatlo.
“They have posted photos claiming that it is the reunion photo of the Australia-based Filipino who tested positive for COVID-19 and her classmates, and an alleged leaked list of the persons who attended the class reunion with them here in Pangasinan,” ani Maranan.
Ayon kay Maranan, ang tatlong indibidwal ay lumabag sa Republic Act (RA) 10175 O Cybercrime Law at RA 10173 o Data Piracy Act.
Dagdag pa ni Maranan, ang mga taong sangkot sa pagbahagi ng unverified at malicious na impormasyon ay parehas na madedemanda tulad ng tatlong nauna.
Sinabi ni Maranan na ang kaparusahan ng paglabag sa nasabing batas ay may katumbas na 5 taong pagkabilanggo at pagbayad ng P500,000 hanggang P1 milyon bilang danyos.
“Hindi nakakatulong at nakakadagdag pa ng kalituhan at nagku-cause ng unnecessary attention or panic (Sharing photos or documents that are unverified is not helpful instead it even adds to confusion and causes unnecessary attention and panic),” ani Maranan. (Allan Bergonia/PNA)