Isa ang puntirya pero tatlo ang napurnada sa nangyaring pamamaril sa isa umanong sangkot sa kalakaran ng iligal na droga ng hindi pa nakikilalang mga kalalakihan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Malabon City Police Community Precinct (PCP) 7, alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa kanto ng Governor Pascual Avenue at Reyes Street sa tapat mismo ng BNR Compound, Barangay Concepcion ng nasabing lungsod.
Sakay umano ng isang L300 van sina Ricardo Pablo, 32-anyos, Ronaldo Sartin, 39-anyos at Carlo Rodriguez, 36-anyos at binabaybay ang nasabing kalsada nang harangin ng dalawang suspek na lulan ng isang motorsiklo at paputukan ng isang sub-machine gun at .45 pistol ang mga biktima.
Matapos na makitang hindi na gumagalaw ang tatlo ay mabilis ding nagsitakas ang mga salarin habang agad namang dumating ang mga tauhan ng pulisya sa nasabing himpilan at nakitang gumalaw ang dalawa sa mga biktima na sina Sartin at Rodriguez kaya isinugod ang mga ito sa pinakamalapit na pagamutan ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay at nasawi habang nilalapatan ng lunas.
Hinala ng pulisya ay may kinalaman sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot ang motibo sa pananambang matapos mapag-alamang nasa drug watch list si Rodriguez.
Posible namang nadamay lamang ang dalawang kasama nito dahil sa magkakatabi sila sa sasakyan nang naganap ang insidente.