3 paaralan sa Nueva Ecija nilooban

GUIMBA, Nueva Ecija — Tatlong paaralan ang ipinapalagay na ninakawan ng iisang grupo noong Huwebes ng gabi sa magkakaibang lugar sa bayang ito.

Sa mga ulat na nakalap ng Abante sa tanggapan ni P/Supt. Recie Duldulao kabilang sa mga ninakawan ang San Miguel Elementary School sa Brgy. San Miguel; Galvan National High School sa Brgy. Galvan; at ang Manggang Marikit Elementary School sa Brgy. Manggang Marikit.

Sa pagsisiyasat ni PO1 Reynaldo Gozum na halos magkakasunod ang naisagawang panloloob at pawang ginamitan ng bolt cutter ang mga padlock ng principal offices ng mga paaralan.

Sa San Miguel Elementary School ay 2 laptop at isang projector ang nanakaw, ayon sa principal nitong si Amelia Barroga De Guzman, 57, residente ng Brgy. San Rafael dito.

Ayon kay Galvan High School head Natividad Macaraeg, 63, 3 laptop at 1 projector ang nanakaw sa kanila. Samantalang isa ring laptop at isang projector ang nakulimbat sa Manggang Marikit Elementary School ayon naman kay principal Marivic Pagatpatan.