Pinalaya na ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), ang tatlong miyembro ng Panday Sining na idinetine matapos makapagpiyansa kahapon ng hapon sa Metropolitan trial Court, Branch 22 sa Maynila.
Nabatid na alas-3:00 ng hapon nang magpalabas ng release order ang korte para kina Jeanne Vaugh Nico Quijano, 24; Joven Francis Laura, 24; Mikhail Collado, 18 matapos makapagpiyansa ng tig-P6,700 para sa kasong vandalism in relation of Ordinance 7971 at maliscious mischief.
Habang ang isang menor de edad ay nauna nang itinurn-over ng MPD sa Manila Social Welfare Department (MSWD).
Una nang inaresto ng MPD-DID ang mga suspek matapos ibandalismo ang mga poster ng LRT malapit sa San Sebastian Church sa Maynila kamakailan.
Tiniyak ni Manila Mayor Fransisco “Isko Moreno” na papanagutin ang apat na miyembro ng Panday Sining na nahuling nag bandalismo.
Idineklara ring ‘persona non grata’ ng Manila City Council ang mga miyembro ng Panday Sining sa Maynila matapos aprubahan ang isang resolusyon.(Juliet de Loza-Cudia)