3 paslit nalunod sa swimming pool

Hindi na umabot ng Pasko ang tatlong batang babaeng magpipinsan makaraang aksidenteng malunod sa swimming pool ng isang resort sa Barangay Abangan Sur, Marilao, Bulacan noong Huwebes ng hapon.

Sa ulat ng Marilao Police, dalawa sa mga biktima ang magkapatid na edad apat at anim na taong gulang habang ang isa pa ay pinsan nila na anim na taong gulang din at pawang nakatira sa Dagat-Dagatan, Caloocan City.

Sa pag-iimbestiga ni PMSg. Ariel Gacutan, bandang alas-5:30 ng hapon nang maganap ang trahedya makaraang pumasok sa resort ang magka-live in na sina Ederlyn Lucanas, 30, at Joel Manulit kasama ang tatlong paslit.

Kumuha ng isang silid ang mga ito bago nagtungo sa swimming pool si Ederlyn kasama ang dalawang anak at pamangkin.

Pero pinagsabihan umano si Lucanas ng mga tauhan ng resort na bawal maligo sa swimming pool dahil ginagawa ito at binilinan din na bantayang mabuti ang mga bata.

Gayunman, iniwan umano nito ang mga biktima para kunin ang cellphone sa inokupa nilang silid at dito sinamantala ng mga paslit na lumusong sa swimming pool hanggang sa nalunod ang mga ito.

Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad ay nakakuha umano ng shabu residue at mga drug paraphernalia sa basurahan ng silid na inokupa ng magka-live in at sinasabing pag-aari ito ni Manulit na hindi na umano nagpakita sa mga awtoridad mula nang maganap ang insidente. (Jun Borlongan)