3 patay, 2 nawawala sa salpukan ng bangka

Sinalubong ng trahedya ang paglalayag ng dalawang bangka sa ilog matapos na magsalpukan ang mga ito na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong katao habang dalawa ang nawawala pa sa Sultan Kudarat, Maguindanao nitong Linggo.

Base sa inisyal na ulat ng mga awtoridad sa lugar, kinilala ang mga nasawi na sina Jomar Akir, Ustadz Elmie Norodin, at Johaina Salem.

Dakong alas-otso nang gabi noong Sabado umano pumalaot ang motorized banca ng mga biktima galing sa Cotabato City samantalang nanggaling naman sa Brgy. Maydapa, Sultan Kudarat ang isa pang mas maliit na motorized banca na papunta rin sa nasabing siyudad.

Pagdating nila sa bahagi ng Brgy. Bulibod ay aksidenteng nagbanggaan ang dalawang bangka dahilan para mahulog sa ilog ang mga biktima.

Nakaligtas ang lima pang sakay ng mga bangka habang dalawa ang pinaghahanap pa kabilang dito ang operator ng bangka.