Patay ang tatlo katao habang dalawa pa ang sugatan nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga riding tandem sa magkahiwalay na insidente sa Antipolo City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Supt. Ruben Andiso, hepe ng Antipolo City Police, ang mga nasawi na sina Ramil Manago, Norman Danday, at Jaymar Von Atienza, pawang nasa hustong gulang at naninirahan sa nasabing lungsod.

Ang tatlo ay nagtamo ng tig-tatlong tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Habang sugatan naman ang mga kasamahan nilang si Joseph Buebo at Raymond Sique na nasa hustong gulang sanhi ng tinamong tig-isang tama ng bala sa katawan at kasalukuyan nilalapatan ng lunas sa Antipolo Medical Center.

Sa isinumiteng report ni Supt. Andiso, dakong alas-11:00 ng gabi nang pagbabarilin ng riding in tandem sina Manago, Danday at Buebo, na hinihinalang mga drug traders, sa Sitio Tanglaw sa Barangay San Isidro ng nasabing lungsod.

Samantala, dakong alas-3:30 naman ng hapon nang pagbabarilin rin ng riding in tandem ang mga biktimang sina Atienza, na isang cockfight hand­ler, at kasamang si Sique sa Barangay San Jose.

Agad nasawi si Atienza habang sugatan si Sigue na isinugod sa pagamutan.Mabilis naman na tumakas ang mga suspek.