Tatlo ang patay, samantalang walo ang nasugatan sa salpukan ng UV Express at jeep sa Iba, Zambales noong Miyerkoles nang gabi.

Sa ulat mula kay Police Senior Inspector Noime Diaz, hepe ng Iba Municipal Police Station, ang mga nasawi ay kinilalang sina Emma­nuel Villar, 43, ng Sta. Cruz town, driver ng UV Express na may conduction number 036405; Joseph Elmark Macadaan Depamayo, 26, driver ng inasembol na Jeep (CCN 777), at pasahero nitong si Aldrin Deguia, 32, kapwa ng Bgy. San Agustin, Iba, Zambales.

Ang tatlo ay idineklarang dead-on-arrival ng doctor na si Percival Maninang ng Pres. Ramon Magsaysay Memorial Hospital, sa Iba.

Dinala naman sa nabanggit na pagamutan dahil sa tinamong sugat sa katawan ang mga sugatan.

Base sa ulat, alas-11:45 nang gabi habang bumibiyahe ang UV Express sa direksyon na patungong Sta. Cruz nang biglang kumakabig pakanan ang kasalubong na sasakyan hanggang sakupin nito ang linya ng UV Express hanggang sa magsalpukan ang dalawang sasakyan.